Nasawi ang isang police captain nang pagbabarilin ng limang lalaki sa Parang, Maguindanao del Norte. Ang lalaking kaniyang sinita dahil may dala umanong baril, napatay naman sa follow-up operation.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion 2 kung saan naging maaksyon ang habulan ng pulisya at ilan pang lalaki.

Kinilala ang biktima na si Police Captain Roland Moralde.

Unang nakabarilan ni Moralde ang sinita niyang lalaki ngunit gumanti ang apat nitong kasamahan. Nakorner kalaunan ang pulis at pinagbabaril ng mga suspek.

Nagsagawa ng manhunt operation ang Parang Police, at napatay ang sinitang suspek ni Moralde.

Nadakip din ang isa sa mga kasamahan ng suspek.

Patuloy ang follow-up operation sa tatlong iba pa. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News