Nahulog na magkakapatong sa loob ng makipot at tuyong poso negro ang apat na estudyante nang bumigay ang sementadong bahagi nito na kanilang inuupuan sa Alfonso, Cavite. Ang isang biktima, nasawi matapos mabagsakan ng debris.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nangyari ang trahedya habang nananghalian ang mga estudyante ng Sinaliw Elementary School.

"Nangyari po ito kahapon ng 12:30 (ng tanghali), ang mga biktima ay kumakain. Ang kanilang kinauupuan nila na batong upuan gumuho, lumusot sa ilalim sa septic tank na matagal nang tuyo," ayon kay  Police Major Raymond Balbuena, hepe ng Alfonzo Police Station.

"Sa kasawiang palad, yung isa sa mga biktima ay namatay sa pagamutan. Pagbagsak, yung other debris tumama sa mga bata. Yung tatlong bata sir may konting sugat, injury pero okay na," dagdag niya.

Kinilala ang nasawi na si Crizelle Ronario, Grade 5 student.

Ayon sa ulat, wala nang inabutan ang GMA Integrated News nang puntahan ang paaralan para kunan ng pahayag.

Hindi pa makapagpasya ang ina ng biktimang nasawi kung magsasampa ng reklamo dahil sa sinapit ng kaniyang anak.

"Hindi ko po alam kung kami ay magrereklamo o kung ano at hindi ko pa 'yan maisip. Ang gusto lang sana namin ay matulungan lang kami dito na maipalibing," saad ni Rowena Ronario, ina ng nasawing biktima.

Ayon kay Balbuena, hindi pa nila nakakausap ang pamunuan ng paaralan, at hinihintay din nila ang pasya ng pamilya ng nasawing biktima kung magsasampa ng reklamo.

Samantala, wala pang sagot ang DepEd Alfonso District nang padalhan sila ng mensahe upang mahingan ng komento sa insidente, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News