Kahit tinangkang pigilan ng anak, pinagbabaril pa rin ng mga salarin ang isang 46-anyos na ina sa loob ng isang tricycle sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen noong Martes ng gabi sa Barangay Caingal, na ikinasawi ni Aurelia de Vera.

Sakay ng tricycle ang biktima at dalawang anak na menor de edad pauwi sa Barangay Bolosan, nang harangin sila ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.

“Noong napahinto kami, binaril nila agad. Hinawakan ko si mama ko dito para hindi na nila barilin pero binaril pa nila ulit,” ayon sa isang anak ng biktima.

Walang maisip na dahilan ang pamilya para paslangin ang biktima pero dati na raw inakusahan ang ginang ng pagnanakaw.

“Hindi totoo 'yan, kahit magtanong sila sa barangay. Sana mahuli ang may gawa, kawawa ang asawa ko, hustisya ang kailangan namin,” ayon kay Geraldo Bacanay, mister ng biktima.

Ayon sa pulisya, tatlong basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Isang bala ang tumama sa dibdib ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at maghahanap ng CCTV footage sa lugar na makatutulong sa paglutas sa krimen.

“Nangangalap tayo ng ebidensiya at mga bystander na nandoon sa lugar. Nag-interview tayo ng mga possible witnesses,” ayon kay Police Captain Renan Dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Provincial Police Office.-- FRJ, GMA Integrated News