Patay ang isang lalaki matapos siyang ibalibag sa semento ng lalaking nagsangla sa kaniya ng cellphone na nais na umanong tubusin sa Cebu City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “Saksi” nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang biktima na nakaupo sa motorsiklo at gumagamit ng cellphone nang komprontahin siya ng suspek.

Maya-maya lang, sinapi ng suspek ang motorsiklo na dahilan para matumba ang biktima.

Muling umatake ang suspek at nang mahawakan niya ang biktima ay ibinalibag niya ito at tumama ang ulo sa semento.

Susuntukin pa sana ng suspek ang nakahandusay na biktima pero napansin niya na hindi na ito gumagalaw at may tumatagas na ring dugo mula sa likod ng ulo.

Tumakas ang suspek pero nahuli rin ng mga awtoridad sa follow-up operation.

“Na-hot pursuit operation ng ating kapulisan yung suspek sa serious physical injury na kaso na finile natin sa kanya. At hinatid sa police station para ma-filean ng kaso,” ayon kay Police Major Mark Don Alfred Leanza, Cebu City Police Station 2 station commander.

Pero pagkaraan ng ilang araw, pumanaw ang biktima sa ospital kaya itataas sa murder ang kasong isinampa laban sa suspek.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nais ng suspek na tubusin na ang kaniyang cellphone na isinanla niya sa biktima. Pero isinanla naman daw ng biktima sa iba ang cellphone.

Nagsisisi umano ang suspek sa kaniyang ginawa sa biktima.—FRJ, GMA Integrated News