Ilang dekada man ang lumipas, patok pa rin na pinatutugtog at sinasayaw-sayaw sa mga party at reunion lalo sa mga probinsya ang kantang "Dayang Dayang." Kilalanin ang diva sa likod na ito, na lumantad na sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang vlog ng content creator na si CAPOryl ng pagpasyal niya sa bayan ng Sitangkai, na pinakadulong probinsya ng Pilipinas na Tawi-Tawi.
Ngunit ang tunay na nagpamangha kay CAPOryl ay nang madiskubre niyang hindi sa Malaysia nakatira kundi sa Sitangkai rin makikita ang orihinal na singer at songwriter ng iconic song na Dayang Dayang.
Ipinakilala ni CAPOryl si Nur-Ainun Pangilan, o mas kilala sa tawag na Hainun.
Hindi isang Malaysian tulad ng inaakala ng ilan, kundi nagmula si Hainun sa tribong Sama-Dilaut kaya naman siya ay isang Pilipina.
Ayon kay Hainun, na 52 na ngayon, ito ang kauna-unahang panayam niya sa telebisyon, pagkaraan ng halos tatlong dekada na sumikat ang kaniyang kanta.
Hilig na talaga ni Hainun ang kumanta kahit noong bata pa lang, na kaniyang istratehiya para makabenta ng ice candy.
Dahil sa husay niya sa pagkanta, madalas maimbitahan sa mga okasyon si Hainun.
Dumarayo rin si Hainun sa Malaysia para sa kaniyang gigs, dahil isa hanggang tatlong oras lang ang pagsakay nito sa bangka mula Pilipinas.
Noong dekada 80, kumakanta si Hainun, na 15-anyos noon, sa isang kasal sa Malaysia, nang madiskubre siya ng isang Malaysian recording company. Mula nito, pabalik-balik na siya sa Malaysia upang mag-record ng iba pang mga kanta.
Sa kaniyang mga kanta, ang Dayang Dayang, ang sumikat nang todo hindi lang sa Malaysia, sa malaking bahagi ng Mindanao, kundi pati na rin sa buong Pilipinas.
Taong 1996 nang i-record ni Hainun ang Dayang Dayang sa Malaysia, kung saan ginamit niya ang Sama-Dilaut na siyang lengguwahe ng kanilang tribo. Bukod dito, on the spot niya lamang naisip ang lyrics.
Inilarawan din ni Hainun ang dance steps ng isang mananayaw na kasama niya habang nagre-record ng kanta, na walang iba kundi ang kaniyang mister.
Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, hindi "Dayang Dayang" ang titulo ng kaniyang hit song, kundi "Dumba Dumba," batay na rin sa nakaimprenta sa kaniyang cassette tape.
Salita itong Malaysian na ang ibig sabihin ay "Kiring-Kiring" o "patagilid," kung isasalin sa kanilang lengguwahe.
Pagka-record ng Dayang Dayang, nakatanggap si Hainun ng talent fee na P30,000, at binigyan din ng 100 na mga kopya ng cassette tape, na dinala at ibinenta niya sa bansa.
Mula sa kaniyang kinita sa kanta, napag-aral din niya ang kaniyang mga kapatid.
Kalaunan, hindi naiwasan na mag-lie low si Hainun sa pag-record ng mga kanta, hanggang sa umiikot na ang buhay niya sa pag-aalaga ng kaniyang mga anak at apo, at nagbebenta ng tinapay sa bakery.
Hindi naman tuluyang iniwan ni Hainun ang mundo ng musika, at may mga pagkakataon pa ring naimbitahan pa siyang kumanta sa Sabah, at binabayaran ng 3,000 Ringgit o katumbas ng P30,000.
"Nanghihinayang po ako. Sobra-sobrang sikat ng kanta ko. Pero ako ay hindi masyadong kakilala nila. Pero siyempre happy ako at proud ako," sabi ni Hainun.—LDF, GMA Integrated News
KILALANIN
Singer ng iconic na kantang 'Dayang Dayang,' lumantad na sa publiko
Disyembre 10, 2024 10:50pm GMT+08:00