Nasawi ang dalawang babae matapos salpukin ng isang puting van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Zarraga, Iloilo. Ang van, napag-alaman na may naunang nasalpok na bahay na tinakasan ng driver.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, kinilala ang nasawing rider ng motorsiklo na si Mary Grace Mandate, at ang angkas niya na si Mara Cordova.

Nadakip naman ang driver ng van na si Jerry Gonzales, 53-anyos.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Tubigan noong gabi ng January 19, 2025.

Patungo umano ang mga biktima sa Iloilo City mula sa Dumangas Port, habang patungo naman sa Dumangas ang suspek.

Ayon kay Police Lieutenant Renel Lauron, deputy chief ng Zarraga Municipal Police Station, batay sa pahayag ng mga saksi, mabilis ang takbo ng sasakyan ni Gonzales at inagaw nito ang linya ng mga biktima kaya niya nabangga.

Nagtamo ng matinding mga sugat sa ulo at katawan ang dalawang biktima na dahilan ng kanilang pagkamatay.

Itinanggi naman ni Gonzales na mabilis ang takbo ng kaniyang sasakyan, at hindi rin umano siya nakainom.

Ngunit bago ang naturang insidente, natuklasan na isang bahay sa Barangay Tagbak sa Jaro District na pag-aari ni  Liezel Turba ang nawasak matapos salpukin ng van ni Gonzales at kaniyang tinakbuhan.

Masuwerte umano na hindi nahagip ang mister ni Turba na nasa sala nang mangyari ang insidente.

"Ang van pumasok dito, hindi tumigil.’ Tatlong beses pang nag-atras-abante para makababa at makatakas,” ani Turba na nais singilin si Gonzales sa ginawang pinsala sa kaniyang bahay.

Nahaharap si Gonzales sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.-- FRJ, GMA Integrated News