Tatlong batang estudyante na pawang mga babae ang nasawi matapos silang araruhin ng isang truck habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa San Fernando, Bukidnon.
Sa ulat ng GMA Regional TV News sa Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing papasok na sana sa paaralan ang mga biktimang edad lima, pito at siyam, nang salpukin sila ng truck.
Hindi tumigil ang truck matapos ang insidente at iniwang nakahandusay ang mga bata na pawang nasawi.
Nakita kinalaunan ang inabandonang truck sa isang tubuhan. Habang sumuko naman sa pulisya ang driver nito na hindi nagbigay ng pahayag. --FRJ, GMA Integrated News
