Kalunos-lunos ang sinapit ng isang-taong-gulang na lalaki sa Sagbayan, Bohol na nasawi matapos malunod sa timba na may lamang tubig.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GTV State of the Nation nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si John Andrei Tinapay.

Ayon sa ina ng bata, naglalaro sa labas ng kanilang bahay si John Andrei, kasama ang dalawa pa nitong nakatatandang kapatid na edad tatlo at siyam.

Hanggang sa sumigaw na ang isa niyang anak matapos na makita si John Andrei na nakasubsob na una ang ulo sa timba, na may tubig bagaman hindi puno.

"Noong lumabas ako lupaypay na, maputla na. Sinubukan kong i-revive," saad ng nagdadalamhating ginang.

Dinala nila ang bata sa ospital pero binawian din ng buhay pagkaraan ng ilang oras.

Humihingi ng tulong ang pamilya para sa pagpapalibing sa bata. --FRJ, GMA Integrated News