Nasawi ang dalawang graduating senior high school students matapos silang malunod nang magkayayaang maligo sa Ungga Falls sa Baras, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng ginawang pagsagip ng mga awtoridad sa Ungga Falls sa Barangay San Salvador 3 p.m. ng Lunes.

Bago nito, napunta umano ang mga biktima sa malalim na bahagi ng falls.

Pahirapan sa mga rescuer ang paghanap sa mga biktima sa lakas ng agos ng tubig.

Pagkaraan ng ilang oras, doon na tuluyang nakuha ang mga biktima mula sa ilalim ng tubig.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkayayaan maligo sa Ungga Falls ang apat na magkakaklaseng graduating students matapos nilang makuha ang kanilang medical certificate para sa kanilang work immersion.

Hanggang sa isa sa kanila ang agad lumusong bago napunta sa malalim na bahagi ng falls.

Tinangka siyang sagipin ng kaniyang kaklase pero kasama rin itong lumubog.

“Nakita na lamang siya na nagkakawag at humingi ng saklolo. Siya naman po ay sinaklolohan ng kaniyang kaklase. Parehas na po sila napunta sa medyo malalim. Sa kasamaang palad, itong apat na magkakaklase ay hindi naman po pala ganoon na marunong lumangoy,” ayon kay Police Major Robert Papa, chief ng Baras Police.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang mga 17-anyos at 18-anyos na mga biktima.

Kinilala ang lalaking sinubukang sagipin ang kaniyang kaibigan na si John Mike Pacion, na residente ng Barangay Cupang, Antipolo City.

Panganay sa dalawang magkapatid si Pacion, at tatlong buwan na lamang, ga-graduate na sana siya.

“Sobrang sakit. Wala na siya pero hindi siya nagdadalawang-isip na iligtas ‘yung isa kahit ikapapahamak niya. Proud na rin pero siyempre malungkot. Mas maganda sana kung nailigtas niya ang sarili niya at saka yung kasama niya,” sabi ni  Pedro Pacion, ama ni John Mike. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News