Patay ang mag-asawang negosyante na bumisita sa ipinapatayo nilang tindahan sa Zamboanga City matapos silang pagbabarilin ng isang lalaki. Nangyari ang krimen sa harap ng apat na taong gulang na anak ng mga biktima.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing sakay ng closed van ang mag-asawa, kasama ang kanilang anak, at binisita ang ipinapatayo nilang tindahan sa Barangay Boalan, sa Zamboanga City.
Nang bumaba mula sa van ang 49-anyos na mister, doon na siya pinagbabaril ng salarin. Sunod na pinuntahan ng salarin ang 41-anyos na ginang na nasa van at pinagbabaril din.
Nakaligtas naman ang batang anak ng mag-asawa.
Tumakas ang 51-anyos na salarin pero naaresto sa hot pursuit operation sa Isabela, Basilan.
Mahaharap siya sa kasong murder pero hindi na nagbigay ng pahayag.
Ayon kay Zamboanga City Police Office Director, Police Colonel Kimberly Molitas, posibleng away sa lupa ang motibo sa krimen.
“Lumalabas na it’s all about the land dispute. The perpetrator is the owner of the land where the couple has been allegedly illegally settling for over nine years,” ayon kay Molitas.
Isasailalim naman sa psychological debriefing ang bata dahil sa nasaksihan niyang krimen.
“We already informed them and recommended for psychological debriefing of the young girl to help her recover from the traumatic experience,” ani Molitas. --FRJ, GMA Integrated News

