Isa ang patay at pito ang sugatan matapos magbanggaan ang dalawang rider na nagkarera umano habang naka-"Superman" ride o nakadapa sa kanilang motorsiklo sa Marilaque Highway sa bahagi ng Tanay, Rizal. Ang dalawang rider, sumalpok pa sa mga nanonood na mga rider sa gilid ng highway.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo.

Sa video footage, makikita ang dalawang rider na tila nag-uunahan sa bilis ng arangkada habang nakadapa sa kani-kanilang motorsiklo.

Pero pagdating sa pakurbadang bahagi ng highway, nagkabanggaan ang dalawang rider na dahilan para mawalan sila ng kontrol at sumalpok sa ibang mga motorsiklo at nanonood na mga rider sa gilid ng highway.

Nasawi ang isang rider na nakikipagkarera umano, habang sugatan ang isa pa, at may anim pang rider na nanonood ang nadamay.

"Yung dalawang involved [na rider] ay mabilis yung takbo nila. Dahil nga marami kasing ano dun mga tumatambay na motorcycle riders, yung mga vlogger. Nagte-take videos, nagte-take pictures kaya yung siguro yung ano nila...nagpapasikat ba na itinataas nila yung paa," ayon kay Police Leiutenant Colonel Norman Cas-Oy, hepe ng Tanay Police.

Matapos ang aksidente, nagpulong ang lokal na pamahalaan ng Tanay tungkol sa mga hakbang na gagawin para maiwasan ang mga aksidente sa naturang bahagi ng highway.

May ugnayan na umano ang pulisya sa pulisya sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO ), Public Safety Office, at Land Transportation Office.

Lalo rin umanong paiigtingin ang police visibility sa lugar na hindi aalis ang pulis habang may mga rider.

Ipinaliwanag umano ng pulisya na may nagbabantay naman sa highway pero lumilipat lang umano ang mga rider sa bahagi ng highway na walang awtoridad.

Samantala, magpapalabas din ng ordinansa ang lokal na pamahalaan para ipagbawal ang mabilis na arangkada sa nasasakupang bahagi ng highway, maging ang mga delikadong riding technique, at ipagbabawal din pagtambay sa gilid sa ng highway.

Nitong Lunes, hiniling sa Senado ng isang advocacy group para sa road safety na higpitan ang pagbabantay sa mga dumadaan sa Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway dahil sa dami na umano ng nasasawing motorcycle rider na ginagawang racetrack ang daan, partikular sa bahagi ng Tanay. --FRJ, GMA Integrated News