Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki matapos siyang hampasin umano ng kahoy sa ulo ng kaniyang kapatid sa Malaybalay City, Bukidnon. Ang suspek, naghukay na ng lupa kung saan niya planong ilibing ang biktima.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakita ang biktima ng kaniyang kapatid na nakahandusay umaga ng Lunes.

Ngunit sinabi ng mga awtoridad na noon pang nakaraang gabi posibleng namatay ang lalaki.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima matapos isakatuparan umano ng isa pa niyang kapatid na 44-anyos ang krimen.

Maaaring may alitan ang dalawa bago naganap ang insidente.

Nadakip kalaunan ang suspek, na hindi tumakas dahil may balak siyang itago ang krimen, ayon sa pulisya.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na kunin ang pahayag ng pamilya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News