Timbog ang isang lalaki matapos niyang gahasain umano ang kaniyang menor de edad na stepsister sa Basud, Camarines Norte.

Sa ulat ni Cris Zuñiga ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente noong 2023.

Makalipas ang mahigit isang taong pagtatago, nadakip sa bisa ng warrant of arrest ang wanted na suspek, na nagtatrabaho sa isang poultry farm sa bahagi ng Luisiana, Laguna.

Isinalaysay ng biktima na nag-iinuman sila noon kasama ang kaibigan ng suspek nang mawalan siya ng malay.

Pagkagising niya, nasa bahay na siya kung saan ginawa ng suspek ang krimen.

Bago nito, nadakip din ang dalawang kaibigan ng akusado.

Tumangging magbigay ng pahayag ang nadakip na akusado.

Nahaharap ang mga akusado sa kaukulang reklamo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News