Sa taglay na talento ng isang 25-anyos na visual artist na mula sa Mapandan, Pangasinan, nagagawa niyang isang magandang obra ang mga bagay na patapon na.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita ang ilan sa mga obra ni Mareen Jean Tolentino, na gawa sa lumang karton, bilao na nagamit na, mga lumang straw, balat at sanga ng kahoy, at iba pang bagay na napupulot niya.
“Bukod sa unique siya, ‘yung surface, shape. At the same time po, hindi siya typical na canvas na nali-limit ‘yung ideas sa isang box,” paliwanag ni Tolentino.
Sa pamamagitan ng kaniyang ginagawa, bukod sa nailalabas niya ang kaniyang talento, nakatutulong pa siya sa kalikasan.
Ang isa sa kaniyang obra, gawa sa lumang sangkalan o chopping board na nasira na matapos gamitin sa loob ng dalawang taon.
Sa halip na itapon ang sangkalan, ginawa itong canvas ni Tolentino sa kaniyang painting, at naka-display ngayon sa Banaan Museum sa Pangasinan.
“I’m gonna make this as a canvas para magkaroon siya ng bagong buhay. Hindi na lang sa kusina, ngayon nasa museum na siya,” saad ni Tolentino.
Nagsimula ang hilig ni Tolentino sa pagguhit noong nasa elementarya pa lang, pero nagkaroon siya ng formal training nang kumuha siya ng kursong Architecture.
Karamihan sa kaniyang obra ay nagpapakita ng mga hayop at eksena ng buhay ng mga Pinoy.
“It’s very healing to see the animals in their natural habitat. ‘Yung mga ordinaryong Pilipino kasi, mas nakaka-relate ako sa kanila,” paliwanag niya.
Bukod sa pagpipinta, nagsasagawa rin si Tolentino ng art workshops in-person at online.
Pangarap ni Tolentino na maipakita ang kaniyang mga obra hindi lang sa lalawigan ng Pangasinan kung hindi sa buong Pilipinas. -- FRJ, GMA Integrated News
