Patay ang isang 52-anyos na negosyante matapos siyang pagbabarilin habang sakay ng sports utility vehicle (SUV) ng riding in tandem sa Jaen, Nueva Ecija. Sa pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek, isa ang tumalon sa ilog at nalunod.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita na nawasak din ang sasakyan ng biktima matapos bumangga sa poste kasunod nang nangyaring pamamaril.
Dead on arrival sa ospital ang biktima habang nakatakas ang mga salarin.
Pero sa hot pursuit operation ng mga awtoridad sa dalawang suspek, isa sa kanila ang tumalon sa ilog para makatakas pero minalas siyang malunod.
Nadakip naman ang isa pang suspek at nabawi ang isang motorsiklo na hinihinalang ginamit sa ambush.
May nakuha rin sa kaniya na kalibre .45 na baril, granada, mga identification card, at plastic sachet na hinihinalang may lamang shabu.
Ayon kay Police Major Ernesto Esguerra, hepe ng Jaen Police Station, dati nang may kaso ang suspek na may kaugnayan sa shooting incident pero nabasura.
Inihayag naman ng kamag-anak ng biktima na dating kawani ng negosyante ang naarestong suspek.
Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung mayroong mastermind sa nangyaring krimen.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek gaya ng murder, illegal possession of firearms and explosives, at drug-related offenses.-- FRJ, GMA Integrated News
