Nagtamo ng mga sugat ang hepe ng pulisya ng Bagabag, Nueva Vizcaya at kaniyang asawa nang sumalpok ang sinasakyan nilang SUV sa isang dump truck sa Cabatuan, Isabela.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita na parehong nasira ang harapan ng SUV at truck matapos ang insidente.

Tinatahak ng SUV at truck ang magkasalungat na direksyon, base sa imbestigasyon ng Cabatuan Police.

Kalaunan, nawalan umano ng kontrol ang pulis sa manibela ng SUV kaya siya napunta sa kabilang lane at nabangga ng dump truck.

Dinala sa ospital ang mag-asawa.

Sumuko sa Cabatuan Police ang truck driver, na hindi nagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News