Mahigit P200,000 ang natangay umano ng dalawang suspek sa panghoholdap sa isang convenience store sa Hermosa, Bataan. Ang baril na ginamit ng mga holdaper, pellet gun.
Sa ulat ni Glam Calicdan Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, nahuli-cam sa CCTV camera ng tindahan ang pagpasok ng isang suspek na naka-jacket at may suot pang helmet.
Maya-maya lang, naglabas ito ng baril at patalim sa kabilang kamay sabay pagdeklara ng holdap sa dalawang crew ng tindahan sa Barangay Balsic.
Matapos simutin ang pera sa cash register, pinabuksan naman ng suspek ang vault sa storage, at pagkatapos ay tumakas na.
Aabot umano sa kabuuang mahigit P200,000 ang natangay ng dalawang suspek.
Sa follow-up operation, naaresto ang dalawang suspek sa Dinalupihan sa Bataan.
"Initially itong dalawang suspek ay involve sa illegal drugs. Itong mga conveniece store ay target dahil walang guwardiya," ayon kay Police Major Phoe Pangan Jr. hepe ng Hermosa Police Station
Nakuha sa mga suspek ang pellet gun na pinaniniwalaang ginamit nila sa pangho-holdap.
Pero nasa P8,000 na lang ang perang nabawi sa mga suspek, na walang pahayag, at mahaharap sa kaukulang kaso. -- FRJ, GMA Integrated News