Nabisto ng mga awtoridad na hindi totoo na may dalawang estudyante ang kinidnap ng puting van at kumalat sa social media sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing unang inihayag ng dalawang estudyante na dinukot sila ng mga salarin na sakay ng isang puting van malapit sa isang mall noong gabi ng Pebrero 19, 2025.
Ngunit lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-cutting classes ang dalawang estudyante at nagpunta sa isang mall.
Sinugatan pa umano ng mga estudyante ang kanilang mga sarili para dagdagan ang patuloy sa kanilang kuwento na pagdukot.
Pero natagpuan sila sa isang convenience store noong Huwebes ng madaling araw matapos sumagot sa text ng kanilang guro.
Ayon kay Police Captain Hazel Tuazon, Davao City Police Office (DCPO) spokesperson, natakot umano ang mga estudyante na mapagalitan ng kanilang mga magulang dahil hindi sila kaagad umuwi kaya gumawa sila ng kuwento na "kidnap me."
Isasailalim ang dalawang estudyante sa assessment at monitoring ng social workers. -- FRJ, GMA Integrated News
