Balik himas-rehas ang dalawang lalaking nambugbog at nagnakaw sa kanilang kaibigan noong 2023 sa Rodriguez, Rizal. Ang isa pa nila umanong kasabwat, sinilbihan din ng arrest warrant sa kulungan.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sinilbihan ng warrant para sa kasong robbery ang dalawang suspek, na kasama umano sa grupong nagnakaw at nambugbog sa nakaaway nilang kaibigan.

“Itong grupong ito ay naglalaro ng cara y cruz. At ayun nga nagkapikunan at nagkaroon ng gulo at nabugbog itong biktima at kinuha 'yung kaniyang pera,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, chief of police ng Rodriguez Municipal Police Station.

Nakuha ng mga suspek ang P3,000 sa biktima, na nagsampa ng kaso laban sa mga akusado.

Pebrero 5 nang ilabas ng korte ang arrest warrant laban sa limang lalaki.

Unang nadakip si alyas “Ben,” 29-anyos, sa kaniya mismong bahay sa Barangay Balite.

Pagka-aresto sa suspek, tinanong siya ng pulisya kung saan matatagpuan ang kasamahan nito at itinuro ang pangalawang suspek.

Ang akusadong si alyas “Al,” 30-anyos, nadakip ng pulisya sa kaniya ring bahay.

Itinuro ang dalawang suspek ng isa pang kasali sa insidente ng pagnanakaw, na nakabilanggo na sa BJMP ng Rodriguez.

Doon sinilbihan ng arrest warrant ang pangatlong sangkot.

Sinabi ng Rodriguez Police na patay na ang isa pang kasabwat ng mga akusado habang pinaghanap ang isa pa.

Depensa ng mga nadakip, nakiawat lang sila sa mga nag-aaway at lasing noon ang biktima.

“Wala po kaming kinalaman doon. Hindi ko sila pinakialaman. Bahala sila, baka madamay pa ako,” sabi ni alyas “Ben.”

“Naglalaro po kami. Lasing po 'yung nagreklamo sa amin. Ngayon, 'yung isa niyang kalaban, napikon sa kaniya dahil sa kulit niya. Ngayon nagpang-abot sila. Awat kami nang awat,” sabi ni alyas “Al.”

Depensa pa ng mga akusado, wala ring naganap na pagnanakaw matapos magkapikunan.

“Hindi, kasi siyempre lasing nga siya. Akala niya kinukuha. Eh hindi niya alam, talo na siya. Kaya doon din napikon ‘yung una niyang nakasuntukan. Dinamay niya kami nang hindi naman dapat eh,” sabi ni alyas “Ben.”

Nakakulong ang mga akusado sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News