Sa kulungan ang bagsak ng isang 20-anyos na lalaki matapos na gahasain umano ang isang 13-anyos na dalagita sa Baras, Rizal. Pero depensa ng suspek, hindi niya pinilit ang biktima sa nangyari sa kanila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinilbi ang arrest warrant sa akusado sa Barangay San Jose, Antipolo City.
Sinabi ng pulisya na naganap ang panggagahasa umano sa dalagita noong Oktubre 2024, kung saan inimbitahan ng lalaki ang biktima na matulog sa kaniyang bahay.
“Natulog 'yung bata sa bahay nitong suspek at doon nangyari 'yung rape. And the next morning, nag-report itong bata sa kaniyang mga magulang. And ‘yun, na-file-an ng kaso itong suspek,” sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director, Rizal Provincial Police Office.
Aminado ang suspek na tatlong beses na may nangyari sa kanila ng biktima pero hindi raw niya ito pinilit dahil may relasyon sila.
Isang buwan na umano ang relasyon nila at nakilala niya ang biktima sa online.
“Jowa ko po. Alam niya po, kagustuhan niya po ‘yun ang nangyari. Hindi po alam kasi ng magulang na tumakas sa lola niya, tumira po sa amin ng isang linggo. Isang linggo na po ‘yun, may nangyari sa amin,” sabi ng suspek.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nakulong ang akusado dahil sa mga kasong child abuse at grave threat sa Baras, Rizal din.
Biktima niya noon ang isang 10 gulang na batang lalaki, ayon sa pulisya.
“Inimbitahan nila 'yung biktima na 10 taong gulang at forcibly minolestiya. At nakatutok 'yung patalim dito sa bata. Buti na lang may dumaan ng kapitbahay, nakita sila doon,” sabi ni Maraggun.
“Ang unang kaso ko, pagbabanta lang po ‘yun. Mag-ano lang po kami sa bundok, kakain lang po kami. Trip lang po ‘yun. Trip lang po talaga,” sabi ng suspek.
Nakadetine ang akusado sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
