Bangkay na nang matagpuan na nakabaon sa isang mababaw na hukay ang isang 14-anyos na babae na iniulat na nawawala matapos hindi makauwi mula sa eskuwelahan sa Davao del Norte. Ang suspek sa krimen, ang stepfather ng biktima.

Sa ulat ni King Pandia ng Super Radio Davao sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing nakita uamno ang bangkay ng biktima sa isang hukay sa Barangay Little Panay  Panabo City, Davao del Norte.

Ayon sa pulisya, hindi umuwi ng bahay mula sa paaralan ang Grade 9 student na biktima. Nang magsagawa ng imbestigasyon, nalaman nila na sinundo pala ito ng kaniyang amain.

Dinala umano ng suspek ang dalagita sa lugar kung saan nakita ang bangkay nito.

Pinatay umano sa sakay ang biktima at inilibing. Aalamin kung ginahasa rin ng suspek ang biktima.

Nahuli naman ang suspek at inamin umano nito ang ginawang krimen.

 

 

Sa hiwalay na ulat ni  Jandi Esteban sa GMA Regional TV News, sinabing Pebrero 28 nang iulat na nawawala ang dalagita.

May nakakita umano sa suspek at sa biktima sa lugar na pag-aari ng amain bago tuluyang nawala ang dalagita.

Hanggang madiskubre na ang bangkay ng biktima sa mababaw na hukay sa naturang lugar na pag-aari umano ng suspek.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng dalagita para malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito, at kung ginahasa rin ng amain ang biktima. -- FRJ, GMA Integrated News