Nahuli-cam ang pagsemplang ng isang motorsiklo nang mabangga ang isang tumatawid na aso sa Barangay San Nicolas proper sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera na tumatawid ang aso na sandaling tumigil nang may nakitang paparating na motorsiklo.

Nang makalampas na ang motorsiklo, nagtuloy na sa kaniyang pagtawid ang aso hanggang sa nasalpok siya ng rider sa kabilang bahagi ng kalsada dahil nag-overtake sa isang maliit na truck.

Sumemplang ang rider at humandusay sa kalsada. Mabuti na lang at walang ibang paparating na sasakyan.

Nagtamo siya ng mga sugat pero ligtas.

Kaagad ding nakatayo pero paika-ika ang aso na kaniyang nabundol.

Paalala ng lokal na opisyal sa mga may alagang aso, tiyakin na nakakulong o nakatali ang mga alaga para hindi pagala-gala sa daan.

Pinayuhan din ang mga motorista na magdahan-dahan sa kanilang pag-arangkada sa kalsada.-- FRJ, GMA Integrated News