Patay sa pananaga ang isang 60-anyos na lalaki sa Catmon, Cebu. Ang suspek, nadakip at iginiit na napuno na siya sa biktima dahil sa pagtawag umano sa kaniya na baliw.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikitang nakahandusay at wala nang buhay ang biktima sa gilid ng sapa sa Barangay Catmondaan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na pinagtataga ang biktima ng nakaalitan niyang kapitbahay.
Ayon umano sa suspek, napuno raw ang suspek dahil sa pagiging bully ng biktima na tinawatag siyang baliw.
Inamin din umano ng suspek na nakainom siya bago niya gawin ang krimen. Humihingi siya ng tawad sa kaniyang ginawa.
Sasampahan ang suspek ng reklamong homicide, habang wala pang pahayag ang kaanak ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News
