Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos gahasain umano ang kaniyang menor de edad na anak. Ang akusado, dumepensang gawa-gawa lamang ito dahil sa sustento.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing kasama sa most wanted persons list ng Antipolo City ang akusado.
Oktubre ng nakaraang taon nang halayin umano ng akusado ang noo’y 14-anyos na biktima, ayon sa pulisya.
“Nangyari 'yung unang panghahalay dito sa bata noong October 3, 2024 sa sarili mismo nilang bahay at nasundan ito ng October 4. Ngunit sa pagkakataon iyon, 'yung ating biktima ng kaniyang maramdaman na gagawin ulit nitong ating akusado, agad niyang itinulak at lumabas itong ating biktima at humingi ng tulong,” sabi ni Police Captain Ricardo Asuncion Jr. ng Antipolo City Police.
Agad namang nagreklamo sa mga awtoridad ang tiyahin ng dalagita.
“Hindi siya makapaniwala na meron siyang kasong kinakaharap na ganito. Siguro hindi niya inisip na siya ay makakasuhan ng ina o ng kaniyang live-in partner,” sabi ni Asuncion.
Itinanggi ng akusado na si alyas Butchok ang paratang na panggagahasa.
“Hindi ko po ginalaw 'yung bata. Magkatabi lang po kami ng kuwarto. Pinagalitan ko lang po talaga noong araw na ‘yun kasi hinihigpitan ko nga po na makalabas. Sabi ko, huwag kang maglalabas, babae ka pa naman,” sabi ng akusado.
Ayon pa sa lalaki, lumikha lang ng istorya ang tiyahin ng kaniyang anak upang makuha umano ang sustento na ipinadadala ng ina ng biktima na nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Ang dahilan po diyan, pera po ma'am. Gumawa lang po ng alibi po ma'am para mapunta sa kaniya 'yung padala sa bata, 'yung mga sustento,” anang lalaki.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng tiyahin at ina ng biktima.
Nakabilanggo sa custodial facility ng Antipolo City Police ang akusado, na nahaharap sa kasong qualified rape at attempted qualified rape. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News