Kuyog ang inabot ng isang lalaking nag-akyat bahay at nagnakaw ng cellphone, damit at ilang underwear matapos siyang mahuli sa akto ng mga residente sa Barangay San Isidro, Antipolo City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nahuli sa akto ng mga residente ang suspek pasado 3 a.m.

Sinubukan pang tumakas at nagpupumiglas ang suspek kaya napilitan ang mga tao at barangay na itali siya sa poste.

Dalawang bahay ang nabiktima ng lalaki, ayon sa barangay.

Ayon sa residenteng si Romelia Sernal, nagising ang mga tao sa kanilang bahay matapos magkagulo nang hulihin ang suspek na si alyas “Bai.”

“Nakita ko po ‘yung damit ng anak ko, 'yung underwear at 'yung shirt, nasa katawan po niya, nalaglag,” sabi ni Sernal.

Sunod na nabiktima ng suspek ang bahay nina Lady Izza Joy Pesino.

“May narinig po akong kaluskos. Tapos po, kinukutuban ko lang siya. Tapos doon po, nakita po namin na may patalim siya. ‘Pag labas ko po may nakabantay na po palang tao roon kasi may nakakita po na pumasok doon sa bahay namin. Tapos hinuli po siya,” sabi ni Pesino.

Ayon naman sa chief tanod ng Barangay San Isidro na si Marvin Corpuz, notorious na magnanakaw, at akyat-bahay ang suspek, na sangkot din umano sa droga. Hindi raw bababa sa 10 ang mga bahay na kaniyang inakyat.

Umamin sa krimen ang 30-anyos na suspek.

“Akala ko po, doon pa nakatira 'yung tropa, kakilala ko noon. Kasi tambayan po namin dati iyon. Nagbebenta po,” sabi ni alyas “Bai.”

Pag-amin naman ng suspek, mga anim na bahay na umano ang kaniyang inakyat, kabilang na sa Quezon City.

Ipina-medical na ang suspek, na nakatakdang i-turnover sa Antipolo Component City Police Station. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News