Patay na at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang nawawalang turistang Slovak woman sa isang inabandonang kapilya sa sikat na Boracay Island.

Ayon sa pulisya, dalawang araw nang nawawala ang 23-anyos na biktima na si Michaela Mickova, nang makita ang kaniyang bangkay sa inabandonang chapel sa Barangay Balabag sa bayan ng Malay noong Miyerkules ng hapon.

“We will leave no stone unturned until the perpetrators of the heinous crime against Michaela Mickova have been brought to justice,” saad inilabas na pahayag ng  Police Regional Office 6 (PRO 6).

“It is our foremost priority and goal to deliver justice to the family and loved ones of Michaela Mickova - a beloved daughter, a friend to many, and a young woman who has a passion for life,” dagdag nito

Sa hiwalay na pahayag ng Aklan Police Provincial Police Office, sinabing nag-iimbestiga na ang Malay Municipal Police Station sa nangyari kay Mickova.

“The authorities are working diligently to gather all relevant information and evidence to determine the cause of death and identity of any potential suspect,” dagdag nito.

Sa kabila ng nangyari, tiniyak naman ng pulisya na ligtas na lugar ang Boracay, at paiigtingin umano ang police visibility at pagpapatrolya.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabi ng hepe ng Malay Municipal Police Station, na March 1, 2025,  nang dumating ang biktima sa Boracay Island, na may kasamang lalaking Slovak national, para magbakasyon, ngunit magkaiba ang hotel na tinuluyan.

Nag-aalala umano ang kasama nito nang hindi na bumalik sa hotel ang biktima at hindi matawagan kaya inireport sa pulisya at idineklarang nawawala noong March 10.

 

 

Isang lalaki ang nakakita sa kinaroroonan ng bangkay dahil umano sa masangsang na amoy sa kapilya na nasa isang inabandonang resort.

Malayo umano sa mga bahay at establisimyento ang lugar.

Isasailalim umano sa awtopsiya ang mga labi ng babae. -- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News