Dalawa ang nasawi at isa ang sugatan matapos silang mabundol ng isang pickup truck habang nasa gilid ng highway sa Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa National Highway sa Barangay Bascaran sa bayan ng Solano.
Sa video footage, makikita ang mga biktima na nakatayo sa gilid ng highway malapit sa tricycle nang mabangga sila ng pickup truck.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang dalawang biktima at tumama sa tricycle ang isa.
Pumanaw ang dalawa habang patuloy na nagpapagaling ang isa pang biktima.
Mahaharap naman sa kaukulang reklamo ang driver ng pickup truck.-- FRJ, GMA Integrated News