Patay ang isang buntis at dalawa niyang kasama nang bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa nakasalubong na truck sa Mabalacat City, Pampanga. Ang mga biktima, galing umano sa lamay.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita sa video footage ang pagsisikap ng mga tao na matulungan ang mga biktima na naipit sa loob ng kotse.

Sa dashcam video ng truck na nakasalpukan ng mga biktima, makikita na nag-overtake ang kotse sa sinusundan nitong sasakyan sa bahagi ng Barangay Mawaque.

Pero tila nawalan ng kontrol ang driver ng kotse sa kaniyang sasakyan kaya napunta sa linya ng paparating na truck at patagilid itong sumalpok.

"Sa bilis nito [kotse] pagka-overtake niya, noong babalik na siya sa right lane, tumama ito sa gutter ng tulay and then na-lose control na siya. Humampas yung kotse sa harapan mismo ng dump truck," sabi ni PMSG. Mark Caisip, Chief traffic investigator ng Mabalacat Police Station.

Kaagad na nasawi ang dalawang sakay ng kotse kabilang ang isang buntis, habang pumanaw naman sa ospital ang driver ng kotse.

Ayon kay Caisip, galing umano sa lamay ang mga biktima at lumalabas sa imbestigasyon na nakainom ang driver ng kotse.

"Mag-ingat sa pagmamaneho at siguraduhing hindi tayo mag-iinom ng alak kung tayo ay nagmamaneho," payo ni Caicip.

Ayon din sa pulisya, hindi na nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa driver ng truck, at nangako ang may-ari ng truck na tutulong sa gastusin ng mga namatayan. -- FRJ, GMA Integrated News