Nasawi ang isang 68-anyos na lola at ang apo niyang limang-taong-gulang matapos silang pagtatagain habang natutulog sa kanilang bahay sa Compostela, Cebu. Ang suspek, kakilala ng mga biktima.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Evelyn Jayme, at apo niyang Gael Jayme Cogay, na magkatabi sa higaan nang pagtatagain ng 41-anyos na suspek, at asawa ng pamangkin ni Evelyn.

Ayon sa ina ni Gael na si Rowena, nakaalis na siya nang pasukin ni Avila ang kanilang bahay kaninang madaling-araw, March 31, 2025.

"Hindi niya mababayaran ang pagpatay niya sa kaisa-isa kong anak. Kahit pagpipirasuhin pa siya, hindi nito mababayaran ang buhay ng anak ko," hinanakit ng ginang.

Tatlong iba pa ang nasugatan ang pananaga ng suspek, na bugbog naman ang inabot sa mga sumaklolong tao sa lugar.

Inaalam pa ang motibo ng suspek pero posibleng matindi ang galit nito sa mga biktima, ayon sa mga pulis.

Gumagamit din umano ng ilegal na droga ang suspek.

Ayon kay PSMS Junrey Frias, lead investigator, Compostela Police Station, pinagplanuhan ng suspek ang ginawang krimen at sasampahan nila ito ng kasong murder.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News