Isa ang nasawi, habang walong iba pa ang sugatan matapos mahagip ng isang Asian Utility Vehicle (AUV) ang grupo ng mga kabataan na nasa gilid ng daan sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing edad pito hanggang 13 ang mga biktima sa nangyaring sa Barangay Bonuan Gueset.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Russel Aquino, 9-anyos. Dalawa naman sa mga biktima ang nananatili pa sa ospital, kabilang ang isang natusok ng bakal mula sa pader ng isang bahay.

Hindi matanggap ni Maribel Aquino, ang sinapit ng kaniyang anak na si Russel na inilarawan niyang masayahin at mapagmahal na bata.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga ang mga biktima sa gilid ng daan nang salpukin sila ng sasakyan na minamaneho ni Hannibal Mores, na residente rin sa lugar.

“Nagkaroon ng mechanical defect… may iniwasan siyang babae at trike tapos kinabig niya sa kanan,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Dagupan City Police Station.

Umaasa ang nakakulong na si Mores na mapapatawad siya ng pamilya ng mga biktima.

“Ipinagdarasal ko na kung maaari, mapatawad ako ng pamilya. Hindi ko sinadya. Wala namang taong sasadyain na mangyari yun,” hiling niya.

Pero desidido ang pamilya ni Russel na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng bata.

“Yun po ang kailangan namin ngayon. Hindi po mababayaran yung pagkamatay sa anak ko. Hindi ko matanggap,” saad ni Maribel. --FRJ, GMA Integrated News