Timbog ang isang 57-anyos na lalaki na kinuhang guardian dahil sa panggagahasa umano sa 11-anyos na batang kaniyang inaalagaan sa Baras, Rizal. Sa Barangay San Isidro sa Angono naman, huli rin ang isang 63-anyos na lalaking guardian sa panghahalay sa 10 taong gulang na babae.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakorner ng pulisya ang lalaki sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Barangay Pinugay.
Batay sa mga awtoridad, kinuha noon ang lalaki bilang tagapangalaga ng bata bago umalis ang nanay nito para magtrabaho sa ibang bansa.
“Bale itong akusado is [a] family friend. Nangyari dalawang beses po 'yung insidente ng panghahalay dito sa ating biktima. In 2023, May and July, nai-report lang 'yung krimen last June 2024,” sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office.
Ang akusadong si alyas “Cardo,” itinanggi ang akusasyon sa kaniya at sinabing itinuring niya na parang anak ang dalawang batang inihabilin sa kaniya.
“Hindi ko po hinawakan 'yung bata. 'Yung petsa po noon ay wala po ako sa bahay. May trabaho po ako noon. Itinuring ko po na mga anak din sila dahil naawa rin po ako dahil nakiusap po 'yung nanay. Wala po talaga raw na mapag-iwanan o mga kamag-anak na tumanggap sa kanila,” sabi ni alyas “Cardo.”
Batay sa imbestigasyon, hindi agad nakapagsumbong ang biktima sa kaniyang magulang matapos takutin umano ng akusado na palalayasin siya.
Lumabas nitong Marso ang arrest warrant para sa akusado, na nahaharap sa kasong statutory rape at rape by sexual assault.
Samantala sa Barangay San Isidro sa Angono, timbog din ang isang 63-anyos na akusado sa panghahalay sa 10 taong gulang na babae.
Guardian din ng bata ang akusado at itinuturing siya nito bilang lolo.
Ayon kay Maraggun, nagsimula ang pangmomolestiya umano ng akusado sa biktima noong 2019, at taong 2022 nang maganap na ang puwersahan umanong panghahalay.
Ayon sa akusadong si alyas “Joel,” apat na taon pa lang ang biktima nang mapunta sa kaniyang pangangalaga. Halik lang sa pisngi umano ang kaniyang ginawa at hindi panghihipo at panggagahasa.
“Hindi po totoo 'yung paghahawak sa dibdib. Parang paglalambing lang ng paghalik sa pisngi. Ginagalit ko lang po para tumigil sa pagsi-cellphone. Hindi po totoo 'yung panggagahasa,” sabi ni alyas “Joel.”
“Itong ating biktima ay nasabi niya noong 2022 sa kaniyang class adviser. Saka na pinaalam niya itong class adviser sa kaniyang stepmother. At doon na po na-report 'yung itong krimen,” sabi ni Maraggun.
Abril 11 ng 2024 nang ilabas ang arrest warrant para sa akusado sa kasong statutory rape. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
