Bago ilagay sa lockdown ang bansa noong Marso 2020 dahil sa pandemic, nagpaalam noon sa kaniyang ina ang 17-anyos na si Quinnie Grace Arong, na may pupuntahan para sa pictorial. Pero ang dalaga, hindi na nakauwi ng kanilang bahay sa Tagum City, Davao del Norte.
Hanggang sa noong July 2024, may nakitang mga kalansay sa ginagawang poso-negro sa isang paupahang bahay sa isang barangay sa Tagum City, na malapit lang sa barangay kung saan naman nakatira si Quinnie.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," lumalabas na nang panahon na madiskubre ang naturang kalansay, hindi pa batid noon na iyon na ang nawawalang si Quinnie.
Gayunman, lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng medico-legal sa nadiskubreng kalansay na nasa edad ito na 11-hanggang 17, na katulad ng edad ni Quinnie. Mula rito, nagsiyasat na ang mga awtoridad tungkol sa mga taong iniulat na nawawala.
Ang kalansay na nahukay, nakalagay sa sako na itinali at nakabaon sa lote sa likod ng isang boarding house sa Barangay Apokon. Kasama sa kalansay ang kasuotan ng biktima, maging ang sapatos at relo.
Si Geneva Atlao, isa sa mga border, kinilabutan matapos mabalitaan ang nahukay sa likod ng inuupahan niyang bahay. May napanaginipan umano siya na isang babae na nakatayo sa kaniyang harapan.
“Tinakpan 'yung mukha niya. Tapos ni-rape siya. Iyak siya nang iyak, gusto niyang pumiglas, hindi niya kaya,” kuwento ni Atlao.
Nakatira si Quinnie sa kalapit lang na barangay na Barangay Magdum. Marso 4, 2020 nang magpaalam si Quinnie sa inang si Michelle na pupunta siya ng Davao City para rumaket bilang isang model. Ngunit hindi na siya nakontak mula noon.
Pinaghinalaan nilang kasama ni Quinnie nang araw na iyon ang tumatayong manager sa mga photoshoot ang isang nagngangalang “Anthony,” hindi niya tunay na pangalan.
Napag-alaman na dating guro si Anthony sa pinapasukang eskuwelahan ni Quinnie.
“Kinabukasan, nagpunta talaga kami sa bahay ng manager. Puro tanggi talaga. ‘Hindi kami talaga nagsama ng anak mo.’ Wala kaming magawa,” sabi ni Michelle.
Inilapit ni Michelle sa pulisya ang nangyari sa kaniyang anak. Ngunit Marso 15, 2020, kasagsagan ng paghahanap kay Quinnie nang isailalim naman ang buong bansa sa lockdown dahil sa pandemya.
Kaya ang paghahanap kay Quinnie, at pag-iimbestiga ng pulisya, natigil.
Ayon kay Michelle, hilig na talaga ni Quinnie ang mag-ayos. Suki rin siya ng mga beauty contest sa kanilang lugar.
Tutol si Michelle sa raket ng anak dahil napababayaan nito ang pag-aaral. Ngunit si Quinnie, pursigido sa kaniyang mga pangarap dahil nakikita niyang makatutulong ang kaniyang ginagawa para sa kaniyang pamilya.
Hanggang sa isang raw, nagpaalam si Quinnie na pupunta sa Davao kasama ang manager nito. Kahit tutol si Michelle sa pag-alis ng anak, tumuloy pa rin ang dalaga.
Napag-alaman naman na noong Pebrero 2020, nag-photoshoot din sina Quinnie at kaibigan niyang si Kayra Formentera sa boarding house ni “Anthony” sa Barangay Apocon kung saan nakita ang kalansay.
Noong 2021, muling pinabuksan ni Michelle ang paghahanap sa kaniyang anak at lumapit din siya sa NBI. Ngunit nagmatigas pa rin si Anthony na hindi niya alam kung nasaan si Quinnie.
Nang mabalitaan ni Michelle ang tungkol sa nahukay na mga kalansay sa kabilang barangay, agad silang pumunta upang alamin kung ito ang kaniyang nawawalang anak.
“Napaluhod talaga ako. Nanginginig 'yung katawan ko. Anak, anak ko yan,” sabi ni Michelle.
Kumbinsido si Michelle na si Quinnie ang kalansay dahil sa mga narekober na damit sa hukay, maging ang nakuhang sapatos at relo.
Mas lumakas din ang paniniwala ni Michelle na si “Anthony” ang nasa likod ng pagpatay sa anak, dahil dati ring inupahan ng lalaki ang boarding house kung saan nahukay ang kalansay.
Ang boarder na si Atlao, kinilabutan nang makita ang litrato ni Queenie, na siyang babae umano na nagpakita sa kaniyang panaginip pero hindi niya ito kilala.
Isinailalim ang mga labi sa DNA test na inaasahang lalabas ang resulta sa mga darating pang linggo.
“Most likely, Quinnie was raped. Hindi niya talaga mapigilan si Quinnie na magsumbong. To conceal his crime, pinatay niya si Quinnie… We are technically and morally convinced that the person of interest has a personal knowledge of the crime,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Wildemar Tiu, hepe ng Tagum Police.
Desidido si Michelle na sampahan ng kaso si “Anthony,” na maaaring makasuhan ng murder.
Hinanap ng team ng KMJS si “Anthony,” hanggang sa nakausap sa telepono ang nagpakilalang kaanak ng lalaki.
Ayon sa kaanak, itinatanggi ni “Anthony” ang mga paratang, at sa korte na lamang daw sasagutin ang mga akusasyon.
“Hindi ako matatahimik hangga’t hindi siya nahuhuli. Pagbabayaran niya talaga ang ginawa niya sa anak ko,” sabi ni Michelle. -- FRJ, GMA Integrated News
