Patay na nang matagpuan sa Maguindanao ang isang campaign coordinator ng isang partido na naunang dinukot sa Sultan Kudarat.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing dinukot noong Lunes ang biktimang si Modesto Tamayo, 57-anyos, sa kaniyang bahay sa Pres. Quirino, Sultan Kudarat.

Sapilitang isinakay umano ng mga armadong lalaki ang biktima sa isang van.

Nakita ang bangkay ng biktima sa isang palayan noong Martes sa Pandag, Maguindanao del Sur na may mga tama ng saksak sa katawan.

Kinumpirma ni Marlon Villa, vice mayoralty candidate sa President Quirino, na head municipal coordinator ng kanilang partido si Tamayo.

Naniniwala siya na may kaugnayan sa pulitika ang pagpaslang kay Tamayo.

May person on interest na umano ang pulisya sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News