Nasawi sa mga tama ng bala ng baril ang isang 25-anyos na punong barangay matapos siyang tambangan sa Malabang, Lanao del Sur nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Binhar Jalambre Alon Jawad, punong barangay ng Barangay Baraas sa bayan ng Picong, Lanao del Sur.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Jawad, habang sugatan naman ang kasama niyang si Norhan Sarip, 20-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang dalawa ng SUV at papunta sana sa isang graduation ceremony nang tambangan sila ng mga salarin sa diversion road sa Barangay Montay sa Malabang.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen, at pagtugis sa mga nakatakas na salarin.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News
