Sugatan ang 38 katao matapos tumagilid ang isang overloaded umano na pribadong jeep na papunta sana sa isang beach resort sa Miag-ao, Iloilo.Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Maninila bandang 8 a.m. ng Sabado De Gloria.Lumabas sa imbestigasyon ng Miag-ao Police, patungo sa isang beach resort sa bayan ng San Joaquin ang nasa halos 60 sakay ng sasakyan.Gayunman, nabigong kontrolin ng driver ang manibela habang nasa kurbada at pababang parte ng highway ang jeep, hanggang sa tuluyan itong maaksidente.Kabilang sa mga sugatan ang 19 na menor de edad.Agad dinala ang mga sugatan sa hospital sa bayan ng Guimbal at sa Rural Health Center ng Miag-ao.Isa ang dinala sa isang pagamutan sa Iloilo City matapos magtamo ng fracture sa binti.Kasama rin sa mga ginamot sa hospital ang driver.Sinabi ng pulisya na overloaded ang jeep. Isa sa mga sugatang pasahero ang nakapuwesto na sa bubong.Nasa kustodiya na ang jeep at ang driver na posibleng maharap sa kaukulang reklamo.Sinusubukan pang makunan ng GMA Regional TV ng panig ang driver ng jeep. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News