Nakasiksik sa pagitan ng mga nitso at halos wala nang buhay nang makita ang kalunos-lubog na kalagayan ng isang babae sa isang abandonadong sementeryo sa Bamban, Tarlac. Ang suspek, naaresto sa follow-up operation ng mga awtoridad.Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing walang saplot pang-ibaba at may mga sugat, at halos walang malay nang makita ang 28-anyos na biktima noong Abril 11, sa abandonadong sementeryo sa Barangay San Nicolas sa Bamban.“Base po sa initial, posible po na nagahasa… at dahil po severe po talaga yung wounds, possible na balak po talagang patayin nung suspek po yung biktima. Fortunately po, buhay naman po yung biktima natin,” ayon kay Police Major Jessie James Domingo, hepe ng Bamban Police Station.Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng biktima na kadarating lang niya mula sa Mabalacat City, Pampanga, at papunta sa Tarlac City.Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera na nakuha ng awtoridad, nakitang naglalakad ang biktima nang lapitan siya at kausapin ng suspek.Sa isa pang video footage, makikita na ang biktima na sumunod sa suspek.“Sa kaniyang pagtawid habang naghihintay siya ng sasakyan, ito pong suspek natin biglang lumapit… nakipagkuwentuhan, tinanong kung saan papunta. Yung pagkakasabi po, ‘Kung doon din naman po ang papunta, ililibre na lang po ng pamasahe,’” ayon kay Domingo.Nang sumunod ang biktima sa pag-aakalang ihahatid siya sakay ng motorsiklo, napunta na siya sa lugar na walang tao at doon humirit umano ang suspek na makipagtalik.Nang tumanggi ang babae, sinuntok siya sa sikmura at sinakal. Tinangay din ng suspek ang cellphone, pera at gamit ng biktima.Sa tulong ng surveillance footage, nakilala at naaresto kinalaunan ang 31-anyos na suspek. Nakuha rin sa kaniya ang mga gamit ng biktima.Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, pero sinabi ng pulisya na inamin nito ang krimen, at pagnanakaw lang umano ang una nitong pakay sa babae.Nahaharap ang suspek sa mga kasong rape, attempted murder, at robbery. -- FRJ, GMA Integrated News