Nadinig ang pagmamakaawa ng isang lalaki sa CCTV camera bagong nasundan ng mga putok ng baril sa Barangay Cupang, Antipolo City. Kinabukasan, nakita ang kaniyang bangkay.Nangyari ang krimen sa kaparehong barangay kung saan may pitong panadero ang pinagsasaksak ng umano'y co-owner ng panaderya.Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, nakuhanan sa CCTV ang magkakasunod na pagdaan ng apat na lalaki dakong 2:00 am.Hindi nakuhanan ang mismong krimen pero madidinig sa video ang diskusyon at pagmamakaawa ng biktima na nasundan ng tatlong putok ng baril.Nahuli-cam din ang pagdaan muli ng mga lalaki pero tatlo na lang sila.Ayon sa ilang residente sa lugar, natakot silang lumabas nang may madinig na putok ng baril.“Niyaya ko ito na pumunta sa Barangay, kaso ayaw naman niya… Pagka-ano na nagtatakbuhan na rin sila... may patay. Siyempre, takot na kami. Hindi naman namin alam kung sino 'yon,” ayon sa isang residente.Nakita ang bangkay ng biktima sa kanal kinaumagahan na inakala noong una na lasing at nakatulog lang.“Paglabas ko, nakita ko tsinelas. Sabi ko, ‘Oh, bakit dito natulog ‘to?’… Akala ko naman lasing. Pag-flashlight ko sa mukha, sabog to eh. Tumakbo na ko sa Barangay… Hindi po taga-rito [ang biktima], kasi kung tagarito kilala namin,” ayon sa nakakita sa bangkay.Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima. — FRJ, GMA Integrated News