Mistulang eksena sa isang maaksyong pelikula ang aksidenteng nahuli-cam sa Misamis Oriental nang tumagilid ang isang truck at dumausdos ang karga nitong container van.Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage sa pagtagilid ng umaarangkadang truck sa Alubijid, Misamis Oriental.Humiwalay mula sa truck ang karga nitong container van at dumausdos sa kalsada na mistulang hinabol ang isang kotse na mabuting hindi nadaganan.Gayunman, limang iba pang sasakyan ang nadamay sa naturang aksidente na nagtamo ng pinsala.Sa imbestigasyon ng pulisya, sumabog ang gulong ng truck dahil sa bigat ng karga at init ng panahon kaya nawalan ng kontrol ang driver nito.Nasawi ang driver ng truck, at isa pa ang nasugatan.Sasagutin naman umano ng operator ng truck ang pagpapaayos sa mga napinsalang sasakyan. -- FRJ, GMA Integrated News