Patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng isang pickup truck na nakaparada sa gilid ng daan sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabi ng awtoridad na isang traffic enforcer ang nakakita sa sasakyan na naparada sa gilid ng daan sa F. Zuellig Avenue, North Reclamation Area sa Mandaue noong April 27, 2025.
Sinilip ng traffic enforcer ang loob ng sasakyan at doon niya nakita ang biktima na hindi gumagalaw kaya tumawag na siya ng pulis.
Nang suriin ng mga awtoridad ang biktima, nalaman na may tama siya ng bala ng baril sa likod ng ulo at katawan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mercy Villaro, information officer ng Mandaue City Police Office, posibleng pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil nawawala ang wallet at cellphone ng biktima.
Mayroon na rin umanong person of interest ang mga awtoridad pero hindi muna sila nagbigay ng detalye habang patuloy pa ang imbestigasyon.-- FRJ, GMA Integrated News
