Isang bangkay ng babae na tinatayang nasa edad na 12 hanggang 17 ang natagpuan ng mga residente sa maputik na bahagi ng isang barangay sa Cagayan de Oro. Ang biktima na may sugat sa leeg, hinihinalang planong ilibing at itago ng salarin.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nadiskubre ang bangkay ng biktima kaninang umaga sa Barangay Lapasan.

“Pag adto nako didto gitabunan siya sa gabi na dahon confirm gyud ang tiil akong una gibira padulong sa mala kay lapas man tuhod ang tubig. Puti pa sir luspad pa ang bata murag bag-o pa gyud ba,” ayon kay Gerald Doria na unang nakakita sa bangkay.

Ayon sa pulisya, nasa pagitan ng 12 hanggang 17 ang edad ng biktima na may sugat o taga sa leeg. 

Hinihinalang nagmula siya sa El Salvador City, Misamis Oriental.

Person of interest ang 62-anyos na lalaki na karelasyon umano ng biktima.

Bago makita ang bangkay ng biktima, nakita umanong buhay sa naturang lugar ang dalagita kasama ang lalaki noong April 27, 2025.

Ipinakilala pa umano ng lalaki ang dalagita na kaniyang nobya, ayon kay Police Major Amier Naifh Maruhom ng Agora Police Station.

Hanggang sa may nakakita na umano sa lalaki na umalis sa lugar at may dalang bolo na hinihinalang ginamit nito sa krimen.

Hinahanap na ngayon ng mga awtoridad ang naturang lalaki.

Nanawagan din ang pulisya sa mga nawawalan ng kaanak na dalagita na makipag-ugnayan sa kanila. -- FRJ, GMA Integrated News