Natagpuang patay sa bakanteng lote ang isang 24-anyos na babae na tatlong araw nang nawawala sa Hinoba-an, Negros Occidental nitong Miyerkoles.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing nakita ang bangkay ng biktimang si Talia Evangelista, sa isang bakanteng lote sa Barangay 1.
Residente si Evangelista sa kalapit na Barangay 2, na unang inulat ng kaniyang pamilya na nawawala.
Positibong kinilala ng kaniyang mga kaanak ang kaniyang bangkay, na isinailalim sa post mortem examination.
Hinala ng pulisya, posibleng iniwan lang sa lugar ang bangkay ng biktima.
Sinusuri pa ng mga awtoridad ang mga CCTV footage malapit sa lugar para alamin kung makatutulong sa kanilang imbestigasyon.
Inaalam din kung sino ang mga taong huling nakasama ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News
