Nakilala na ang bangkay ng dalagitang nakitang patay at hinihinalang balak ilibing ng 62-anyos na suspek sa Cagayan de Oro City. Ang suspek, nahuli naman nitong Miyerkoles sa Misamis Oriental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing kinilala ng ina na mula sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte, ang bangkay ng kaniyang 17-anyos na anak.
Ayon sa ginang, apat na buwan na ang nakararaan nang nagpaalam noon ang kaniyang anak na magpupunta sa CDO para magtrabaho.
Nakikipag-ugnayan naman daw ang biktima sa kanila sa pamamagitan ng cellphone para ipaalam na maayos ang kaniyang kalagayan.
Laking gulat na lang niya nang mabalitaan ang sinapit nang anak noong Martes nang makita ang bangkay sa maputik na lugar sa Barangay Lapasan sa CDO na may malalim na sugat sa leeg.
Hinihinala ng nakakita sa bangkay na balak ilibing ng tumakas na suspek ang biktima.
Nitong Miyerkoles, naaresto ng mga pulis sa Initao, Misamis Oriental ang 62-anyos na si Sonny Boy Ratunil, na sinasabing karelasyon ng biktima.
Ayon kay Police Station 3 Agora Commander, Police Major Maier Naifh Maruhom, inamin ng suspek ang krimen.
Nag-away umano ang suspek at biktima dahil sa pera na nauwi sa krimen.
Posibleng maharap ang suspek sa kasong murder. --FRJ, GMA Integrated News
