Nasawi ang isang lalaking nagja-jogging nang mabundol at pumailalim siya sa isang pickup-truck na minamaneho ng 20-anyos na driver sa Peñablanca, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV News ngayong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Alimannao.

Ayon sa pulisya, nakita umano ng mga saksi na pagewang-gewang ang takbo ng pick-up truck dakong 6:00 am at una nitong nabangga ang isang nakaparadang tricycle at isang sports utility vehicle (SUV).

Kasunod na nitong natumbok ang nagja-jogging na lalaki na pumailalim sa pickup, na bumabangga pa sa tindahan.

Nagtamo ng matinding mga sugat ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng pickup na walang pahayag. -- FRJ, GMA Integrated News