Sugatan ang isang rider at kaniyang angkas nang mabangga ng truck ng bumbero na reresponde sa sunog ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Cebu City.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, ipinakita ang kuha mula sa closed-circuit television (CCTV) sa Barangay San Nicolas Proper, Cebu City, nang mangyari ang sakuna dakong 4:57 p.m. noong May 3, 2025, sa intersection sa C. Padilla Street.
Nagmenor at bumusina ang truck nang papatawid na, pero nagtuloy-tuloy naman sa arangkada ang motorsiklo ng mga biktima na mula sa kabilang bahagi ng daan.
Nabangga ng truck ang motosiklo ng mga biktima na tumilapon sila dahil sa insidente.
Ayon kay Police Lt. Col. Ma. Theresa Macatangay, spokesperson ng Cebu City Police Office, na nagkaroon ng pag-uusap ang magkabilang panig.
Napag-alaman na patungo noon ang mga bumbero sa sunog sa Barangay Guadalupe, Cebu City noong May 3, 2025.
Sa sumunod na araw May 4, 2025, isang motorsiklo ulit na may dalawang sakay ang sugatan nang mabangga naman ng isang bus dakong 4:55 a.m.
Ayon kay San Nicolas Proper Barangay Chairman Clifford Jude Niñal, inindorso nila sa City Council, ang sulat-kahilingan ng Gothong Memorial National High School na nakatayo sa lugar, na gawing one-way traffic only ang lugar para iwas sa disgrasya.
Gayunman, sinabi ni Niñal na wala pang komento ang City Council sa kanilang mungkahi.-- FRJ, GMA Integrated News
