Mahigit 50 botante ang inatake ng mga bubuyog sa isang polling center sa mismong araw ng eleksyon sa Barangay Tangub, Bacolod City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakalinya ang mga botante nang mahulog mula sa puno ang pinagbabahayan ng mga bubuyog sa Rodolfo A. Medel Sr. Elementary School.

Nagsitakbuhan ang mga botante sa loob ng isang silid-aralan dahilan para ma-delay ang botohan sa Eleksyon 2025 noong Lunes.

Tinulungan ng youth volunteers ang mga inatake ng mga bubuyog.

Siniguro naman ng mga awtoridad na alisin ang bahay ng mga bubuyog bago bumalik sa paaralan ang mga mag-aaral. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News