Isa ang patay at hindi bababa sa lima ang sugatan makaraang magkarambola ang tatlong truck sa Maharlika Highway, Barangay Balubad, Atimonan, Quezon ng Biyernes.
Base sa report ng Atimonan Municipal Police Station, patungo sa Bicol ang isang truck habang patungo naman sa Maynila ang dalawang iba pang truck. Sumalpok ang truck na patungong Bicol sa kasalubong nito hanggang sa madamay din ang kasunod nitong truck pasado 5:00 ng hapon ng Biyernes.
Sa tindi ng salpukan ay wasak na wasak ang unahan ng 2 truck. Naipit pa sa mga bakal ang driver at pahinante ng truck na patungong Bicol. Naging pahirapan ang ginawang rescue operation.
Ang mga sugatan ay isinugod sa pagamutan sa Atimonan. Nagtamo sila ng matinding pinsala sa katawan. Kabilang sa mga sugatan ang driver at mga pahinante ng dalawang nasangkot na truck.
Umuulan sa lugar nang mangyari ang aksidente. Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang karambola.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station.
Naghain na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) sa may-ari ng truck ngayong Linggo. — RF, GMA Integrated News
