Hinahanap ng mag otoridada ang isang yayang di umano tumangay ng mahigit P300,000 halaga ng alahas at pera mula sa kanyang mga amo sa San Rafael, Bulacan.

Ayon sa balita ng “24 Oras Weekend” ngayong Linggo, kuha sa CCTV ng barangay madaling araw kahapon ang babaeng naglalakad na may dalang maleta at bag at sumakay ng tricycle paalis.

Tanangay na pala niya ang pera at mga alahas ng pamilya kung saan siya nangamuhan bilang yaya ng apat na buwan.

Ayon sa kanyang amo, nagulat silang naiwang bukas ang gate at wala na ang yaya, na nakilala lang daw nila sa social media.

Nakabukas din ang kabinet kung saan nakatago ang mga pera at alahas.

Sinubukan nilang kontakin ang yaya pero hindi na sumasagot.

Nagpablotter na ang pamilyang biktima sa barangay at nagsampan ang reklamo sa pulisya.

Makikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan kung saan sinasabing nakatira ang suspect. — Mariel Celine Serquiña/BM, GMA Integrated News