Arestado ang isang lalaki sa Antipolo City matapos siyang mahulihan ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng halos P700,000.

Ang suspek ay kinilalang si alyas Pablo, 40-anyos, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng Antipolo Police, makikita ang suspek na nakaputing T-shirt at naka-helmet na naglalakad sa isang palengke sa Barangay San Roque dakong alas-kuwatro ng madaling araw.

Sinita ng mga rumorondang pulis ang suspek at dito na siya kumaripas ng takbo.

Hinabol siya ng mga tauhan ng Antipolo Police. Nang malapit na siyang abutan ng mga pulis, itinapon ng suspek ang kanyang dalang bag.

Nang marekober ng mga pulis ang nasabing bag, nakita nila na naglalaman ito ng isang weighing scale at isang pakete na may 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang miyembro raw ng grupo ng mga drug dealers sa Antipolo ang suspek.

Idi-dispose pa lang daw umano ng suspek ang droga kaya hindi pa ito nahahati sa mas maliliit na volume na pang-street level, sabi ng pulisya.

Dagdag pa ng mga awtoridad, ang suspek ay isa sa mga nauutusan ng grupo para pumatay ng mga downline nila na hindi nagre-remit ng bayad.

Depensa naman ng suspek, tagaabot lang siya at galing sa kasamahan niya ang droga.

Base sa record ng mga pulis, dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

May arrest warrant din laban sa kanya para sa kasong murder. Itinanggi naman ng suspek na may napatay siya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasa kustodiya na ng Antipolo Component City Police Station custodial facility ang suspek. —KG, GMA Integrated News