Tatlong dalagita-- dalawa ang edad 12 at isang 14 -- ang tinangka umanong tangayin ng isang lalaki na nag-alok sa kanilang sumakay sa kotse para ihatid sa kanilang bahay sa Oton, Iloilo. Nagtamo ng galos ang dalawa nang tumalon palabas ng sasakyan, habang nagpakita naman sa pulisya ang lalaki para itanggi ang paratang laban sa kaniya.Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng May 8 dakong 7:39 pm.Sa closed-circuit television (CCTV) camera, nakita ang isang kotse na lumiko sa bahagi ng Sunset Boulevard sa Barangay Cagbang, na pinagsakyan sa mga dalagita.Kuwento ng 14-anyos na biktima, naglalakad sila sa Sunset Boulevard nang tumigil sa tapat nila ang kotse at nagtanong ang driver ng daan papunta sa bayan ng Oton.Doon na umano sila hinikayat ng driver na sumakay para ihatid sa kanilang bahay.Pero nang malapit na sa kanilang lugar, nag-iba raw ng direksiyon ang driver kaya natakot ang mga dalagita.“Pagsakay namin, ang sabi niya may pupuntahan lang siya. Paglabas namin (sa Sunset Boulevard), nagtuloy-tuloy lang siya. Sumigaw kami ngunit hindi naman naririnig,” kuwento ng isang dalagita.Ang isang 12-anyos na nakasakay sa likod ng kotse, binuksan ang pinto at tumalon kahit umaandar umano ang sasakyan.Sumunod naman na tumalon palabas ng sasakyan ang isa pang dalagita na katabi ng driver.Parehong nagtamo ng mga galos ang dalawang dalagita.Ang natitirang dalaga sa sasakyan, nakiusap sa driver na pababain na siya at pumayag naman, at umalis ang lalaki.Dahil sa kuha ng CCTV camera, natukoy ang sasakyan, at nagtungo sa himpilan ng pulisya nitong Linggo, May 18, ang 21-anyos na lalaking driver na isang estudyante, at residente ng Iloilo City.Ayon kay Police Master Sergeant Ma. Elena Doliguez, hepe ng Women and Children Protection Desk sa Oton Municipal Police Station, itinanggi umano ng lalaki na may masamang siyang balak sa tatlong dalagita.Natakot lang umano ang naturang driver sa ginawang pagtalon ng mga dalagita.Hindi na rin idinetine ng pulisya ang driver dahil napaso na umano ang reglementary period tungkol sa inaakusang reklamo laban sa kaniya. Sa kabila nito, desidido ang mga kaanak ng mga dalagita na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa driver dahil sa matinding trauma na idinulot umano ng pagyayari sa mga dalagita.“Tuwing gabi hindi sila makatulog [nang maayos]. Tuwing nakikita nila ang tao, natatakot talaga sila,” saad ng ina ng isang dalagita.Ang isa namang dalagita, sinabi ng lola nito na ayaw nang sumakay sa taxi, sa [kotse] at gusto na sa tricycle lang."Hindi ako madadala ng pera kahit mahirap lang kami. Ipaglalaban ko ito,” ayon sa lola.-- FRJ, GMA Integrated News