Patay ang isang barangay kagawad matapos siyang barilin habang nasa sasakyan ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Bagtas sa Tanza, Cavite. Tinarget ang biktima kahit may kasamang mga bata sa sasakyan.Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Christopher Aron na apat na beses binaril ng mga salarin.Tinamaan siya sa leeg at pumanaw makaraan ang dalawang oras matapos ang pamamaril.“Planado ito. Simula pa lamang sa bahay ni konsehal, papunta, pagpasok niya sa barangay hall, nakaabang na yung mga suspek, sinundan siya. Habang nakasakay siya sa sasakyan niya, sinundan siya ng dalawang lalaking naka-motor,” ayon kay Police Senior Master Sergeant Israel Villela ng Tanza Police.Nang tumigil ang sasakyan ng biktima, kaagad na lumabas ang kaniyang kinakasama at apat na anak, na sa kabutihang-palad ay walang tinamong sugat.Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima pero may napansin na umano silang umaaligid sa bahay noong Marso pa lang.Ayon sa awtoridad, walang alam na kaaway ang biktima pero matunog umano ang pangalan nito na posibleng susunod na kapitan ng barangay.“Marami pa kaming anggulong tinitingnan katulad ng trabaho niya bilang barangay counselor, negosyante din siya. Sa court, nag-follow up din kami ng mga kaso. Noong huli na-involve siya sa banggaan,” ani Villela.Umapela ang pulisya ng Tanza sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may nalalaman sa krimen para mahuli ang mga salarin. —FRJ, GMA Integrated News